Tuesday, July 07, 2009

Poll Automation

Poll Automation

Ni Perry Calara

 

Itutuloy na rin sa wakas ang poll automation. O, computerization ng ating eleksyon.

 

Ito na kaya ang solusyon sa ating problema tuwing darating ang eleksyon?

 

Mababawasan marahil ang problema pero mayroong maaaring bagong problemang darating.  Computer iyan.  Malinis lang iyan kung malinis ang taong gagamit niyan.  Alam naman natin sa mundo ng computer na garbage in, garbage out.

 

Kung madaya ang ipinasok, madaya rin ang ilalabas.  'Yun namang nag-aaway na partners ng computer providers ay nakababahala.   Parang hindi mangyayari ang malinis na eleksyon. Kung hindi pa sila pinutakte ng kaliwat-kanang batikos ay hindi pa yata sila magkakasundo.

 

Computerize ang bilangan pero hanggang saan walang kinalaman ang madadayang tao sa pagbibilang ng boto.  Sa presinto lang yata computerize, e.  Yung namang dagdag bawas na nangyayari ay hindi nangyayari sa presinto kundi sa kung saang opisina labas ng presinto.

 

Poll automation pa lang iyan.  Computerization sa araw ng eleksyon.

 

Ang ilan namang kandidato ay hindi lang bilangan sa eleksyon ang problema.  Mayroon din silang iba pang problemang pampulitika.

 

“Dinadagdag bawas” na sila bago pa man gamitin ang computers.  Hinaharass na sila ng kaaway nila sa pulitika.  ‘Yung ilang partylist katulad ng Bayan Muna, Gabriela, at Anakpawis ay nagsasabing ang kanilang supporters ay hinaharass ng kanilang mga kalaban ilang buwan bago maganap ang eleksyon para hindi na makaboto para sa kanila mga partido.

 

Kung ganito nga naman ang kalagayan, kahit pa computerized na ang eleksyon madadaya ka pa rin.  Hay naku! mahirap nga namang bumangga sa may hawak ng kapangyarihan.

 

Ipinapakita lamang nito na ang poll automation ay hindi ang solusyon sa lahat ng problema ng ating eleksyon. Kailangan pa rin nating bantayan ang ating mga boto, ang mga gumagamit ng computer na ito at ang proseso ng buong eleksyon.

 

Sa inyong hindi pa nakahawak ng computer, Aba! Magparegister na kayo.  Ang susunod na eleksyon ang inyong pagkakataon na para makahawak ng isa.  Halos 80,000 na computers ang gagamitin natin sa susunod na eleksyon.

 

==

Sa mga hindi pa ako inilalagay bilang Facebook friend paki add naman. I’m sure active na active ang Facebook sa susunod na eleksyon.

 


This message may contain confidential information. If you are not the designated recipient, please notify the sender immediately, and delete the original and any copies. Any use of the message by you is prohibited.

Sunday, June 21, 2009

Facebook, Stop Con ASS, Stop Cha-cha

Facebook, Stop Con ASS, Stop Cha-cha

Ni Perry Calara

 

Tuloy-tuloy ang paglago ng anti-con ass(Constitutional Assembly)    at anti Cha-Cha (Charter Change) social networking sa Facebook.  Dadami pa ito hanggang sa State of the Nation Address (SONA) ni GMA.

 

Aabot na sa 74,000 ang nag-enroll sa  Stop Con Ass. Samantalang halos aabot naman sa 10,000 ang supporter ng  Stop Cha-cha.  Tingin ko lang aabot sa 100,000 ang mag-e-enroll sa Stop Con Ass, at 15,000 ang susuporta sa Stop Cha Cha cause bago ang SONA ni GMA. 

 

Nagumpisa naman ang mga ito nang ipasa ng kongreso ang HR 1109 nitong pagpasok ng Hunyo 2009.

 

Kung sakaling mahinto ang Con Ass sa kongreso dahil sa matitinding pagkilos ng mamamayan, inaasahan ko na ang Stop Cha Cha cause sa Facebook naman ang mamamayagpag.  Tandaan lang na hindi pa sarado ang pagnanais ng ilan na palitan ang konstitusyon.  May ilang nananawagan na ilagay sa konstitusyon na maaaring 100% na puwedeng ariin ng mga foreigners dito sa ating bansa.   Kung magkataon, mabibili na ang Pilipinas ng buong-buo.  Sus! Bantayan natin ito kahit man lang sa Facebook.

 

Ngunit, mukhang kulang ang Facebook para mahinto ang mga maiitim na balakin ng mga ganid.  Oo, nakakapag usap, nagne-network, nailalabas ang damdamin natin sa mga social networking sa internet pero hindi ito sapat para palitan ang mga gahaman sa kapangyarihan. 

 

Kahit pa nga miyembro na ng Stop Con Ass cause sa Facebook ang lahat ng Pilipino, tantya ko nasa kapangyarihan pa rin ang mga adik sa kapangyarihan na mga ito.  Kailangan pa rin ng mga warm bodies sa tunay na mundo para patalsikin ang mga ito.  Mag-network tayo sa cyberspace pero dapat lumabas pa rin tayo sa tunay na mundo.  Nandoon ang tunay na labanan, ang tunay na emosyon, tunay na pagpapalit hindi sa internet.  Means lang ang internet, hindi siya ang esensya.

 

Lalu na sa mga middle class na nasa aircon room na ginagamit ang internet sa protesta laban sa kasalukuyang gobyerno, sa mga huling sandali nang naghihingalong rehimen, kailangan ninyong ipakita ang inyong suporta, sa kahit ng anong paraan, sa tunay na mundo.

 

Naguumpisa na ring gamitin ang Facebook ng mga nagbabalak tumakbo sa susunod na eleksyon.  Imamaksima ito laluna ng mga salat sa pera katulad ng mga nasa partylist na dapat nga marginalized.  Isa sa mga bagong itinatag noong nakaraang lingo ay ang Teddy A. Casino Facebook page.  Aba! 1100 na ang fan in less than a week.  Congressman Teddy, dali-dalian mo. Kapag maliit iyang fan base mo baka wala iyang laban kay “hello Graci.”

 

Sige, good luck sa mga tatakbo.  Pakinabangan niyo ng husto ang Facebook. Mag-member muna ng Stop Cha Cha at Stop Con Ass cause.  Aabot na sa 100,000 ang fan base dito (Para sa kumentaryo, paki post lang sa http://pinoygazette.blogspot.com/ o mag email sa pmcalara@hotmail.com).

 


This message may contain confidential information. If you are not the designated recipient, please notify the sender immediately, and delete the original and any copies. Any use of the message by you is prohibited.

Twitter, Facebook, Con Ass

Twitter, Facebook, Con Ass

Ni Perry Calara

 

Cellphone noon, internet networking ngayon!

 

Nang magkaroon ng “Erap Scandal” noong 2001, uminit ang ating mga cellphones—na ang kapasidad ng phonebook ay 100 entry lamang. Nag-forward pa tayo ng mga Erap jokes. ‘Di nagtagal bumuhos ang tao sa lansangan, bagsak si Erap!

 

Noong kapanahunan ni Marcos pulyeto, sulat sa lumang sako, post it, telephone brigade, room to room, at house to house, at mega phone lang ang ating mga nagagamit.  Buhos din ang tao sa lansangan, bagsak din ang diktador!

 

Ngayon, dagdag pa sa cellphone—na 2  gigabytes na ang capacity ng phonebook with matching pictures--nagagamit na ng galit na sambayanan ang internet networking. Nang-aakit na pumunta na sa lansangan.  Napupuyat ako sa Facebook, Twitter, at aking ning.com. 

 

Nakapupuyat lalu na pagkatapos ipasa sa kongreso ng mga elitistang kongregista ang Constituent Assembly (Con Ass) resolution.  Punong-puno agad ng mga opinion ang Facebook  at twitter site ko.  Dahil sa kanilang twitter, updated naman ako ng bulatlat.com ng mga protesta mula sa bakuran ng congress hanggang sa daang Mendiola.  Talo pa ang CNN.

 

Habang nabubuo ang pagkahihiwalay laban at pro Con Ass, inaasahan kong mapupuno pa ng opinion ang mga Facebook at twitter ng dalawang nag-uumpugang pampulitikang puwersa.

 

Masaya ito.  Sa tunggaliang ito sa internet social networking nagiging patas ang labanan.  Ang ordinaryong mamamayang unti-unting nagkakaisa laban sa interes ng mga elitista sa kongreso gamit lang ang murang internet time laban sa kanila namang katunggali na may kakayanang bumili ng makapangyarihang tradisyunal na “space” sa mass media.

 

Ito naman kasing mga TRAPO (traditional politician) sa kongreso para bagang minamadali ang paghukay ng kanilang libingan.  Binibigyan nila ng bala ang kanilang katunggali na dumadami bawat minuto.  Ang katangahang ito ang uubos sa kanilang lahi.  Ito na yata ang hinihintay ng mga kumokontra sa pamahalaan ni tita Glow.  Ako, binigyan niyo lang ako ng topic na maisusulat ko sa Facebook, sa blog, at ngayon sa twitter na isang uri ng micro-blog.

 

Sa mga Facebook at twitter generation, hindi naman maibabagsak si Marcos at Erap kung puro tayo nasa loob ng internet café.  Maganda pa rin basahin ang hard-copy, ika nga.  Maganda pa rin na kasama tayo sa lansangan kung tuluyan mang lumaki ang protesta laban sa Con Ass.   E, puwede naman pating i-configure ang mga networking site na ito para maging mobile.  Punta pa rin kayo if only for the digital picture taking para may mai-post sa Facebook o sa Friendster.

 

O ha, sa mga internet anti-Con Ass warrior, gawin niyo namang friends ang aking Facebook site.  Maki exchange din ng opinion sa aking twitter.  Hanapin lang ang aking ginagamit na pangalan, Perry Calara (Para sa kumentaryo, paki post lang sa http://pinoygazette.blogspot.com/ o mag email sa pmcalara@hotmail.com).

 


This message may contain confidential information. If you are not the designated recipient, please notify the sender immediately, and delete the original and any copies. Any use of the message by you is prohibited.

Friday, May 15, 2009

Kampanya sa Internet

Kampanya sa Internet

Ni Perry Calara

 

Ginamit ni Obama ang internet para sa kanyang kampanya.  Marami ang kanyang naabot, marami ang kanyang nasolisit, at higit sa lahat panalo!

 

Gagayahin ito ng mga pinoy. Asahang iinit ang internet para sa kampanya habang papalapit ang eleksyon.

 

Buti na lang mayroon ng internet at kahit papaano ay ma-lebel ang laro sa eleksyon.  Kung ano ang kawalan ng pera ay maaaring mapunuan sa mga murang internet time ng network ng isang kandidato, mga partylist, at  organisasyong masa.  Bagong istilo. Iyong mga aktibista noong First Quarter Storm, bago ideklara ang martial law, ay mapapanganga sa medium na ito. 

 

Isang halimbawa sa paggamit sa internet para sa parating na Eleksyon ay ang paglikha ng S4S (Satur for Senator) social networking site—isang taon bago ang botohan.  Nasa www.ning.com ang S4S—search lang ang Satur Ocampo, kung gustong sumali. Nasa ning.com na ang iba pang abubot sa internet:  blog, forum, photo posting, e-group etc.  Hindi ko nga lang nakita dito ang survey capability ng site na katulad sa yahoo e-group. 

 

Sa pamamagitan ng internet mabibigay ng kandidato ang instruksyon sa kanyang potensyal na kampanyador sa isang iglap.  Mapa-aabot niya ang kanyang mensahe sa sambayanan ng cyberspace sa isang pindot.  Noon kasing Martial Law, wala pa ang internet, hirap ilabas ang balita at impormasyong batay sa mga nangyayari sa mga batayang sektor.   Nakalalabas lang sa press (radio at print) ang gustong palabasin ng burgis na kandidato.  Sila lang naman kasi ang may pera para bayaran ang burgis na press.  Aba! Iba na ang political terrain ngayon.   Palagay ko kahit si ka Satur hindi niya naisip na kakampanya siya sa ganitong paraan.

 

Sa kabilang banda gagamitin din ng burgis at mga elitistang kandidato ang internet.  Masusubukan ng internet kung sino ang masinop na makapag-organisa ng social network sa cyberspace:  pera ng elite o mga organisador ng basehang sector--lalu na ng mga militanteng grupo.

 

Kung dadami nga ang member ng S4S, baka talunin pa nito ang maliliit na online dyaryo sa internet.  Minomonitor ko nga ang paglago ng mga member ng S4S.  Mga 20 katao ang sumasali kada araw nitong nakaraang 20 araw.  Tantya ko dadami pa ito habang palapit ang eleksyon.  Pero suwerte na si Satur kung aabot ang membership ng kanyang social networking ng 10,000.  Mga ilan siyempre diyan ay mga ahente ng military. 

 

Pero teka, bakit si ka Satur pa lang ang may social network?  Di baga si Teddy Casino (Bayan Muna), Liza Maza (Gabriela), Rafael Mariano (Anakpawis) ay mga pawang tatakbo rin sa pagka-senador sa ilalim ng Koalisyong Makabayan?  Miyembro pa lang ng S4S si Teddy.  Wala namang pera ang mga ito kaya kakaripas sila sa internet para sa kanilang social networking.  Gagayahin nila si Obama sa bagsik sa internet para manalo.

 

Kayo, ano pa ang hinihintay niyo? Sugod na sa internet, Pili na kayo ng kandidato. Ipagdasal lang na may eleksyon sa 2010.

 


This message may contain confidential information. If you are not the designated recipient, please notify the sender immediately, and delete the original and any copies. Any use of the message by you is prohibited.

Sunday, April 19, 2009

Mahirap Magkasakit (2)

Mahirap Magkasakit (2)
Ni Perry Calara

Lumabas na kami sa ospital pagkatapos 15 araw. Pero, babalik pa raw kami pagkatapos ng dalawang lingo.

Libo-libong pinaghirapang pera ang nauwi lamang sa mga sebisyo, gamot at doktor. Ngayon, napipilitan kaming pumunta sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) para mamalimos. (Kung mayroon man diyang kakilala kayong tumutulong sa may sakit paki sabi naman sa amin).

Totoo nga, kung wala kang pera sa lipunang ito ipagkakait talaga ang teknolohiya, gamot, at serbisyo sa may mga sakit. Sino ba kasi ang nagbibigay ng karapatan sa mga doktor na sumingil ng napakamahal sa kanilang mga pasyente? Bakit napakamahal ng mga gamot?

Ah, naalala ko. Nasa kapitalistang lipunan nga pala tayo. Ang lahat ay umiikot sa tubo. Ang social services ay huling ibibigay sa mga mamamayan. Kung sino ang may-ari ng teknolohiya at karungan ay siyang tutubo ng malaki.

Sino ba ang nagimbento at lumikha ng mga teknolohiya at mga gamot na iyon. Papaano napunta ang teknohiyang ito sa kamay ng mga kapitalista? Hindi ba kasama ang ating mga ka-uri sa pagtuklas sa mga iyon? Ano, solo ang kapitalista na matuklasan ang mga iyon?

At naalala ko. Ang mga doktor sa isang kapitalista lipunan ay nagluwal ng sariling kapital para makapag-aral at magpakadalubhasa sa mga pamantasan. kaya ngayon, kinukuha nila ang tubo sa kanilang mga kaawa-awang pasyente.

Hindi ba puwedeng ang estado ang gumastos at magpaaral sa mga doktor ng lipunan ng sa gayon ay mura silang makapanggagamot?

Kung ang may ari ng mga teknolohiya at karunungan ang siyang tumutubo sa kawawang kalagayan ng mga pasyente sa lipunan, puwede bang ang estado ang mag-ari nito at ariin ng nakararami ang estado para maserbisyuhan nila ang kanilang uri.

Puwede ba nating gayahin ang Cuba na halos libre ang serbisyong pangkalusugan para sa mamamayan. Doon estado ang nagpapaaral sa mga doktor; sila rin ang may-ari ng teknolohiya at karunugnan. Mura doon ang magkasakit.

Kung makakapunta nga lang ang aming pasyente sa Cuba ay gagawin namin kaya lang parang kumplikado. Mas madali pa yata sa ngayon na mamalimos na lang muna sa PCSO.

Katulad ng nasabi ko sa aking nanay noong holyweek habang nasa ospital, “kapag hingingan ako ng revolutionary tax sa aming probinsya, doblehin ko ang bayad.” Ganoon na ako kagalit.

Mahirap Magkasakit

Mahirap Magkasakit
Ni Perry Calara

Pumasok na naman sa ospital ang isa naming ka-pamilya. May kaunting diperensya sa kidney, namamaga ang paa niya. Nakakalusot daw dito ang ilang protein.

Kidney ang organ ng ating katawan na nagsasala ng ating mga tubig sa katawan. Nililinis niya ito. Nakakapag regulate din ito ng blood pressure.

Ako, kahit papaano naniniwala ako na nadiyan na ang teknikang kaalaman sa siyensya para gamutin ang may mga sakit kahit pa sakit sa kidney.

Dinala na naming ang kamag anak sa National Kidney Transplant Institute (NKTI). Maghahanap sana kami ng second opinion. Kasi, dalawang beses na kaming labas pasok sa ospital sa probinsya hindi pa rin gumagaling at mukhang hindi naipapaliwanag sa amin kung ano nga ang sakit. Daang libo na ang gastos ng pamilya namin.

Napilitan pa nga kaming pumasok sa emergency room ng madaling araw. Akala namin makakaiwas kami sa pila. Gulat naman ako ng makita ang emergency room. Maraming tao doon na natutulog na sa kanilang wheel chair. Depressing talaga. Ganito na ba ang Health system ng ating bayan. Napatanong ako, bakit iyong mga mangungurakot kay daling makahanap ng silid sa ospital para iwasan ang mga imbestigasyon.

Kinuha na naming ang malaking room kahit napakasakit sa bulsa. Kung baga, kapit na kami sa patalim. Matutulog kami sa damuhan kung nagkataon.

Doon napag-alaman din namin na ang ibinigay na steroid sa probinsya ay nakapagpababa ng resistensya ng pasyente namin. Nagkaroon tuloy ng ilang kumplikasyon sa ilang bahagi ng katawan. Bumaba ang resistensya kaya madaling nagka-impeksyon ang lungs. Hirap na hirap siyang huminga. Hindi sa amin naipaliwanag ang kumplikasyon ng steroids. Hindi rin nakita sa probinsya ang ulcer sa tiyan.

Bago pa man gamutin ang kidney, pinagaling muna sa NKTI ang lungs—15 days kami doon. Sa ospital na kami nag-holyweek. Depressing talaga. Tingin ko sa nangyaring ito sa amin parang hindi tinitingnan ng lipunan na isang tao ang mga may sakit ng lipunan. Ganito rin kaya sa dati nating kultura. Ang siste kung magkasakit ka ngayon, kahit buong buhay kang buwan-buwan na nagbahad ng buwis, ay “bahala ka sa buhay mo.”

Sus! Butas ang bulsa at nakakagalit. Grrr. Pagkalabas, babalik pa rin sa ospital para naman gamutin ang kidney.

Ano baga itong lipunan natin? Mga palpak ba talaga ang ating medical worker, palpak ba ang medical system? Nasabi ko na lang sa nanay ko habang nagninilay-nilay noong holy week, “kapag may humingi ng revolutionary tax sa probinsya natin, dodoblihin ko ang ibibigay.” Itutuloy….

Monday, April 06, 2009

Walang Magic

Walang Magic

Ni Perry Calara

 

Sinabi ng isang pari, “walang magic ang palaspas.”  Tayo kasing mga pinoy pumupunta tayo sa palm Sunday sa simbahan para pa-basbasan ang ating mga palaspas sa pari. 

 

Naniniwala ang marami sa atin na kapag kinabit ito sa ating mga bintana hindi papasok ang mga masasamang ispirito. Sabi ulit ng pari, “hindi nila alam nasa loob na ang masamang ispirito.”  E, papaano makakalabas iyon.

 

Sinisisi naman ng pari tayo kung bakit natin pinaniniwalaan na may magic nga ang palaspas.  Father hindi lang palaspas.  Noong maliit din ako akala ko iyon ding blessed water na hawak ng “anghel” bago pumasok ng simbahan ay may magic din.

 

At iyong mga nagkukulambitin sa mga rebulto ng mga santo tuwing piyesta, akala nila magkakaroon sila ng “magic” kapag nahawakan nila ang rebulto.  Bakit kasi sa piyesta mo lang hinahawakan kung kalian siksikan.  Mayroon namang ibang araw na walang pumapansin sa mga rebultong ito.

 

Ito ay folk-religiosity.  Bago pa man pinuwersa sa atin ang katolisismo ng kastila mayroon na tayong mga paniniwala katulad ng sa mga anting-anting at mga salamanca.  Wala namang problema sa mga paniniwalang ito. Siniraan lang ito ng husto ng mga kolonisador.  Kesyo mga mababaw na paniniwala, kesyo mapupunta sa impyerno ang mga naniniwala dito.

 

Dahil sa santong paspasan at santong dasalan, napaniwala naman nila tayo na ang paniniwala nga nila ay mas superyor sa mga pinaniniwalaan ng ating mga ninuno. 

 

Nakapasok ang kanilang paniniwala sa ating kultura kaya naman iyong ibang pinaniniwalaan ng ating mga ninuno ay pumasok din sa pinoy-type na katolisismo o kristyanismo. 

 

Kung babasahin nating ang kasaysayan pumasok sila sa kultura natin para sa ikadadali ng ating kolonisasyon.  Ginamit nila ang mga paniniwalang ito para lalu nilang makurakot ang yaman ng ating mga ninuno

 

May magic nga ba ang palaspas?  Naniniwala ako na kung mayroon nga marami na sana sa ating mga suliranin ang nabigyang lunas.  Marami pa ring TRAPO, Mahirap pa rin tayo, nandiyan pa rin si Gloria.  Kaya naman mukhang naniniwala ako sa sinabi ng pari na walang magic ang palaspas.

 

Sa akin ang mga pang-personal at panlipunang suliranin sa ekonomiya at pulitika ay magkakaroon ng lunas mula sa ating maka-pilipino, siyentipiko, militanteng pagkilos. Ibig sabihin hindi lang tayo aasa sa ating palaspas.

 


This message may contain confidential information. If you are not the designated recipient, please notify the sender immediately, and delete the original and any copies. Any use of the message by you is prohibited.

Tuesday, March 10, 2009

Bibili sa Singapore

Bibili sa Singapore

Ni Perry Calara

 

Nakapagbili na ba kayo ng electronic gadgets sa ibang bansa?

 

Nasubukan ko nang tumawad sa mga liblib na tindahan ng Singapore, ala divisoria ang usapan. 

 

Naghahanap ako ng lens para sa aking Kamera.  Ang unang binanggit ng mga kaibigang Pilipino ay pumunta sa Sim Lim Department store.  Nang Dumating doon sabi naman sa akin ng mga nakilalang mga Singaporean, “Huwag na huwag kang bibili doon. “Tatagain ka doon.”  Tatagain sa tawaran.

 

Ang basa ko sa kanilang (at least mula sa dalawang tao) mga pananalita ay may dramang nangyayari sa loob ng Sim Lim. Kunyari bibigyan ka ng presyong maganda, mas maghanda pa sa presyo na nakikita mo sa pagre-research sa internet.   Mahuhulog ngayon ang iyong kalooban.  Tapos, kapag ok na kayo, kukunin nila kunyari ang commodity,  halimbawa kamera o lens.  Babalik ang naghanap, sasabihin niyang wala na silang stock.  Doon sila mag sa-suggest ng alternative.  E, sa alternative wala ka namang ginawang research.  Pero, nakumbinsi ka na na mura sa tindahan na iyon dahil sa mababang presyo ng unang commodity na hinahanap mo. Mabibili mo talaga ang suggested alternative nila. Sa pag-uwi mo na lang malalaman na nagoyo ka pala.  Minsan, lalabas na mas mahal pa ang nabili mo kaysa sa presyo sa malalaking department store.

 

Mayroon ding style na akala mo mura pero hindi pa pala computed ang tax.  O kung hindi naman, kapag ginamit mo ang credit card mo doon mo lang malalaman na mayroon pala silang 3% surcharge. Maraming hokus-pokus na nangyayari.  Maganda rin mag-iiikot doon kung may kasama kang local.  Alam kasi ng mga tindahan doon ang Pinoy ingles natin.

 

Kaya kung sa digital kamera din lang naman, huwag na sa Sim Lim.  Doon ka na sa big store sa mga malalaking department store.  Sabi ng mga nakausap sa Singapore mas ok lang na bumili ng computer stuff sa Sim Lim.  Mura talaga kasi nagtatagaan naman ang mga tindahan doon dahil sa kumpetisyon. 

 

Halos lahat naman ng electronic gadgets na nabili sa Singapore ay may mga 7% discount pa (minus 2% sa processing fee) pagdating sa airport. Kailangan lang na more than 100 sing dollars ang nabili mo. 

 

Tingin ko rin na mga 15-25% ang kamurahan ng mga electronic gadgets doon kumpara sa Pinas.  Ang flat TV nga na mga 15taw dito mga 10taw lang doon. Kung marami kang bibilhin, problema lang sa tax sa pagdating sa Manila.  Pero hindi naman ako siningil sa nabili kong lens at isang compact kamera.

 

Sa mga nagsa-shopping ng electronic gadgets heto ang fearless forecast ko.  Mumura ang mga ito dahil na rin sa krisis pang-ekonomiya sa mundo.  Walang masyadong demand pero maraming supply kaya tingin ko mumura ang mga e-gadgets.  Kung hindi ibababa ang presyo, mabubulok ito sa mga warehouses ng mga kapitalista.  Buti nga sa inyo!!! (Para sa kumentaryo, paki post lang sa http://pinoygazette.blogspot.com/ o mag email sa pmcalara@hotmail.com).

 


This message may contain confidential information. If you are not the designated recipient, please notify the sender immediately, and delete the original and any copies. Any use of the message by you is prohibited.

Sunday, March 01, 2009

Usapang Bataan Nukes

Usapang Bataan Nukes

Ni Perry Calara

 

Pinabubuksan ang Bataan nuclear power plant ng ilang pulitiko.

 

Tinututulan na naman ito ng mga environmentalists, civil society, at kahit ng simbahan.

 

Ito iyong nuclear power plant na pinatayo ni Marcos. Dahil sa malawakang panawagan ng sambayanan, ibinasura ni Cory pagkatapos ng unang people power. 

 

May mga nagsasabing ang pagbubukas nito ay ambag natin para mabawasan ang carbon emission para sa isyu ng climate change.  Kasi nga naman wala itong ibubugang polusyon sa hangin.  Dagdag pa, binabayaran din lang naman ang pagkakautang natin dito bakit hindi na lang pakinabangan.

 

Tanong naman ng anti-nukes, paano ang basurang nukleyar na malilikha nito.  Ang radiation mula dito ay maaaring magbunga ng mga “freak” na tao at hayop. Sa mga anti-nukes, buhay pa sa kanilang mga isipan ang Chernobyl sa Russia at ang Three mile island sa Amerika.  Kung nagkakaroon nga ng aksidente sa mga industriyalisadong bansang ito, ano pa kaya ang probability na magkaroon ng aksidente sa Pilipinas na relatibong kapos sa kaalamang teknikal.

 

Pero sa akin, hindi pa teknikal ang problema sa pagbubukas ng plantang nukleyar sa Bataan.  Ang pangunahing problema ay ang korapsyon na nangyari sa pagtatayo nito. Ginawa itong gatasan ni Marcos at kanyang mga crony na ang iba ay namamayagpag pa sa ating lipunan ngayon.  Ang korapsyon ito ang sisiguro na bukas ito sa mga nakakatakot na mga aksidente.

 

Duda ko, gagawin din itong gatasan ulit ngayon.

 

Ang nuclear energy sa Bataan ay isang teknolohiya para makuha ang enerhiya mula sa paghihiwalay ng atom sa isang elementong kimikal.  Ang paghihiwalay na ito ay nagre-resulta sa pagbibigay ng enerhiya.  Maaari naman itong  gawing mechanical energy na puwedeng maging kuryente para sa ating mga bahay at industriya.

 

Sa ngayon 14% ng kuryente ng mundo ay nanggagaling sa nuclear.  Ginagamit din ito sa mga malalaking pang-giyerang sasakyang pandagat.

 

Nakikita ko na kailangan na natin ng alternatibong pagkukunan ng enerhiya.  Hindi lang dapat tayo umaasa sa fossil fuel katulad ng gasolina. Ang Nuclear ay isa sa mga alternatibong iyan.  Kailangan lang siguro nating bantayan ang paglinang ng mga alternatibong teknolihiyang ito para makapagsilbi sa sambayanan at hindi lamang sa iilan.  Kailangan ariin ng nakararami ang teknolohiya at hindi ng iilan. 

 

Sang-ayon ako na gumamit ng enerhiyang galing sa nuclear pero hindi ako sangayon sa pagbubukas sa nuclear power plant sa Bataan.  Nagumpisa ito sa maling hakbang at ang mga susunod na hakbang para buhayin ito ay bukas na rin sa mga kapalpakan. 

 

Ang kampanya nga dapat natin ay huwag bayaran ang pagkakautang ng Bataan nuclear power plant dahil hindi naman ito napakinabangan ng sambayanan (Para sa kumentaryo, paki post lang sa http://pinoygazette.blogspot.com/ o mag email sa pmcalara@hotmail.com).

 


This message may contain confidential information. If you are not the designated recipient, please notify the sender immediately, and delete the original and any copies. Any use of the message by you is prohibited.